Palasyo, lumikha ng inter-agency task force na tututok sa pederalismo

Isang Memorandum Order ang inilabas ngayon ng Malacañang na lilikha ng Inter-agency Task Force on Federalism (IATF) and Constitutional Reforms.

Sa bisa ng Memorandum Order No. 52, iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang inaatasang tumutok sa information dissemination, consultation sa iba’t ibang sektor, at gawin ang kaukulang pakikipag-ugnayan sa Kongreso sa harap ng pursigidong hakbang ng gobyerno upang isulong ang pederalismo.

Batay sa itinatakda ng MO 52, si Department of Interior and Local Government (DILG) OIC Secretary Eduardo Año ang magsisilbing chairperson ng IATF, habang vice chairperson naman si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra.

Miyembro naman ng Inter agency Task Force ang Office of the Cabinet Secretary, PMS, PCOO, Office of the Presidential Spokesperson, Presidential Legislative Liason Office, Commission on Higher Education (CHED), Development Academy of the Philippines (DAP) at UP Law Center gayundin ang Office of the Political Affairs.

Obligado ang IATF na magsumite ng quarterly report kay Pangulong Rodrigo Duterte, habang ito ay popondohan din ng kaukulang budget ng Department of Budget and Management (DBM).

Ang memorandum order ay nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea nitong nagdaang Oktubre 30. | ulat ni Alvin Baltazar