Palasyo, kumpiyansang maisasabatas ang Department of OFW bago bumaba si PRRD

Naniniwala si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na maisasabatas ang pagkakaroon ng Department of OFW bago pa man matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.

Pahayag ito ni Andanar sa gitna na rin ng target ng Duterte Administration, na magkaroon ng marami pang mga batas na ang magbebenepisyo ay ang mayorya ng mga Pilipinong nasa kategoryang “those who have less in life.”

Ayon kay Andanar, bukod sa mga OFW ay marami pang mga panukalang batas ang nakalinyang ipursige ng pamahalaan na maipasa at maging batas na pawang pro-poor.

Inihayag ng kalihim na sa nalalabing mahigit dalawang taon ng Pangulong Duterte sa poder, ay lalo itong nagdodoble kayod bagama’t marami na rin naman aniyang batas ang pinagtibay sa ilalim ng kanyang administrasyon, na ngayon ay napapakinabangan at pakikinabangan pa ng mga mahihirap nating kababayan.

Halimbawa na aniya dito ang kalalagda lang na Murang Kuryente bill, free tuition at iba pa.