Palasyo: kumikilos ang pamahalaan sa isyu ng Rescue Center ng China sa Kagitingan Reef

Tahimik lang na nagta-trabaho ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng ginagawa nitong pagtugon sa pinakahuling usapin, partikular sa Kagitingan Reef kung saan, sinasabing nagtatag ng Rescue Center ang China.

Pahayag ito ng Malacañang sa gitna ng iba’t ibang reaksiyon kaugnay ng nasabing isyu, kabilang na ang mga batikos mula sa ilang opposition senators.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kumikilos naman dito ang DFA upang maresolba ang isyu at sa katunayan, nasa 19 hanggang 20 diplomatic protest na ang naihain dito.

Hindi aniya marahil ito alam ng nakararami na ginagawa ng pamahalaan, sa pangunguna ni DFA Secretary Teddy “Boy”  Locsin.

At ilang araw matapos ang pagputok ng usapin, inihayag ni Panelo na hanggang ngayo’y nasa estado pa rin ito ng validation, batay na rin aniya sa pahayag ni Locsin na patuloy na nakikipag-ugnayan sa tanggapan ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jinhua.   | ulat ni Alvin Baltazar