Palasyo, kinumpirma ang pakikipagpulong ng isang grupo ng local officials sa DILG at PNP sa gitna ng isyu ng pagpaslang sa dalawang alkalde

Kinumpirma ng Palasyo na nagkaroon ng pakikipagpulong ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) kina Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC Eduardo Año at kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde.

Sa harap na rin ito ng pangamba ng local government executives bunsod ng magkasunod na araw na pagpaslang kina Tanauan City Batangas Mayor Antonio Halili at General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, ilang mga isyu din ang idinulog ng ULAP lalo na ang mga nasa Mindanao gayung bawal sa kanila ang pag-aarmas dahil sa umiiral pa ring Martial Law sa buong rehiyon.

Isa pang usapin na binuksan ng ULAP kina Año at Albayalde ay kung paano maaalis ang mga napasamang lokal na opisyal sa narco list nang wala umanong basehan.

Pangako naman ayon kay Roque nina Albayalde at Año sa grupo na pag-aaralan ang mga ipinarating na isyu habang masusundan pa ang naganap na diyalogo kagabi. | ulat ni Alvin Baltazar