Palasyo, kinalampag ang Ombudsman na bilisan ang pag-aksiyon sa kaso ng pagkamatay ng SAF 44 

Kasabay ng pakikidalamhati sa paggunita ng trahedyang nangyari sa SAF 44, hinikayat ng Malacañang ang Office of the Ombudsman na madaliin ang pagdinig sa kaso ng mga indibidwal na dawit sa malagim na pangyayari.

Sa inilabas na statement ng Palasyo, inihayag nitong naghahanap na ng katarungan ang buong sambayanan para mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima, at papanagutin naman ang mga responsable sa nabanggit na operasyon.

Sinabi ng Palasyo, na hindi sapat ang mga pagkilalang ibinigay sa katapangan ng mga pulis na nasawi sa malagim na insidente, at sa halip ay katarungan ang dapat na maibigay sa mga ito, ganundin sa mga naiwang pamilya ng tropa ng tinaguriang SAF 44.

Hindi na dapat kailanman muling mangyari ang trahedya ayon sa Palasyo, na aniya ay isang malaking kamaliang dapat na may matutunan.

Ilan lamang sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating PNP chief Alan Purisima sa mga kabilang sa kaso sa Ombudsman, kaugnay ng madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao, noong Enero 25, 2015. | ulat ni Alvin Baltazar