Palasyo, kaisa sa pagkundena sa mga nangyayaring pagpatay sa mga alagad ng simbahan

Kaisa ng Simbahang Katolika ang Ehekutibo sa pagkundena sa mga naitalang pagpatay sa ilang pari nito na nangyari kamakailan lamang.

Sa inilabas na statement ng Palasyo, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kumikilos na ang Philippine National Police (PNP) upang sa lalong madaling panahon ay mapapanagot ang mga may sala at maisilbi ang hustisya sa mga biktima.

Handa rin aniyang makipag-tulungan ang Pambansang Pulisya sa pamunuan ng Simbahang Katolika at doo’y mapag-usapan kung paano mapu-proteksyunan ang mga alagad ng simbahan.

Ang kailangan aniya ngayon ay magkaisa kontra sa mga indibidwal na naghahasik ng karahasan sa gitna ng maigting na kampanya ng administrasyon kontra kriminalidad.

Sa ngayon ay under investigation ang kaso ng pagpatay sa tatlong pari na sina Fr. Mark Ventura, Fr. Tito Paez at Fr. Richmond Nilo. | ulat ni Alvin Baltazar