Palasyo, itinangging may “crackdown” sa mga natitirang makakaliwang grupo na nasa gobyerno

Nilinaw ng Malacañang na walang ginagawang “crackdown” ang pamahalaan laban sa mga makakaliwang grupo na naka-pwesto sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang ipinahayag ng Palasyo, matapos sibakin ni Pangulong Duterte ang natitirang miyembro ng makakaliwang grupo sa gobyerno na si Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Joel Maglungsod na dating miyembro ng militanteng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang inaayawan lamang ng Pangulo ay ang mga illegal strike dahil naka-aabala ito sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Iginiit pa ni Roque na may mga proseso na pinagdadaanan bago magsagawa ng strike.

Una rito, sinabi ng Pangulo na kaya niya sinibak si Maglungsod ay dahil sa pag-uudyok ng pagsasagawa ng strike laban sa pamahalaan. | ulat ni Alvin Baltazar