Palasyo, ipinaliwanag ang ipinahayag ng Pangulong ‘radical change’ na ipatutupad sa seguridad ng bansa

Nilinaw ng Palasyo ang naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa pagpapatupad ng ‘radical change’ sa national security ng bansa.

Ito’y matapos magpahayag ng agam-agam ang ilang grupo sa sinabing ito ng Pangulo.

Siniguro ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na naaayon sa batas ang ipatutupad na radical change ng Pangulong Duterte kaya’t walang dapat ipangamba ang taumbayan.

Paliwanag ni Roque, binatay ng Presidente ang pahayag niya sa pagdalas ng kaso ng krimen sa bansa kabilang na ang pagkakapaslang sa dalawang government prosecutors at ang pagdami ng bilang ng kaso ng holdapan sa Kamaynilaan.

Naniniwala aniya ang Pangulo na mayroon pang pwedeng ipagbuti ang kasalukuyang ipinatutupad na peace and security measure sa bansa.

Sinabi rin ni Roque na nakausap na niya tungkol dito si PNP Chief Director General Oscar Albayalde na naghihintay naman ng instruction mula sa Pangulo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion