Palasyo, ipinagtanggol ang Hong Kong break ni Pangulong Duterte

Idinepensa ng Malacañang ang weekend Hong Kong trip ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang pamilya nito.

Ginawa ng Malacañang ang pagdepensa sa gitna ng puna ng netizens na wala umano sa timing ang pamamasyal at pag-shopping ng Presidente sa Hong Kong, gayung patuloy ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Buwelta ni Special Assistant to the President Bong Go, alam naman ng taong bayan kung paano magtrabaho ang Pangulo kaya’t karapat-dapat lang na magpahinga naman ito at magkaroon ng break sa trabaho kahit sandali.

Dagdag pa ni SAP Go, na kailangan ding ilihim ang naturang lakad ng Presidente nitong weekend gayung nais nitong magkaroon ng quality time sa kanyang anak na si Kitty at common law wife na si Honeylet Avanceña.

Sinabi naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea, dapat lang na bigyan naman ng weekend break ang Pangulo dahil simula maupo ito noong taong 2016 ay puspusan ito sa pagtatrabaho. | ulat ni Alvin Baltazar