Palasyo, ikinatuwa ang pagbaba ng inflation rate sa bansa

Ikinatuwa ng Malacañang ang pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), kaugnay sa pagbaba sa 4.4% ng inflation rate sa bansa na naitala sa buwan ng Enero.

Ito na ang ikatlong sunod na buwan ng pagbaba ng inflation rate sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, noong nakaraang taon, nasubok ang kakayahan ng pamahalaan dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Gayunpaman, nanatili aniya silang nakatutok sa mandato ng Pangulo na hanapan ng solusyon ang problemang ito.

Dahil dito, ayon kay Panelo magpapatuloy ang pamahalaan sa pagmo-monitor ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, bilang pagtalima sa mandato ng Pangulo na pababain ang epekto ng kahirapan at pagkagutom sa bansa.

Noong Disyembre 2018, nasa 5.1% ang naitalang inflation rate, habang nasa 6.0% naman noong Nobyembre.  | ulat ni Racquel Bayan