Palasyo, iginiit na pagtupad lang sa tungkulin ng gobyerno ang paghuli sa mga menor de edad na tambay

Nilinaw ng MalacaƱang ang posisyon ng Pangulo tungkol sa pagpapahuli ng mga menor de edad na mamamataang tumatambay sa kalsada.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sinusunod lang ng Pangulo ang konseptong “parens patriae” na ang gobyerno ang nagsisilbing pangalawang magulang ng mga batang ito at dapat magprotekta sa kanila.

Ayaw aniya ng Presidente na kunsintihin ang pagpapalaboy-laboy ng mga menor de edad lalo na sa dis oras ng gabi.

Dahil dito, pwede aniyang hulihin ng mga pulis ang mga batang naggagala sa gabi at dalhin sa barangay o sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) hanggang sa sunduin sila ng kanilang mga magulang.

Dapat rin aniyang mapagsabihan ang mga magulang ng mga ito na hindi dapat naglalaboy sa pampublikong lugar ang kanilang mga anak.

Matatandaang kagabi ay sinabi ng Pangulo na handa siyang ipatigil sa kapulisan ang operasyon kontra ‘tambay’ kung sasabihin ng Supreme Court na labag ito sa batas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion