Palasyo, hinihikayat ang PRC na ipagpatuloy na ang kanilang COVID testing operations

Muling nananawagan ang Palasyo sa Philippine Red Cross (PRC) na ipagpatuloy na ang pagsasagawa ng COVID-19 testing habang nire-resolba ng pamahalaan ang utang ng PhilHealth.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng sinabi ni Senator Richard Gordon na dapat ay mabayaran muna ng PhilHealth ang buong Php 930 million nitong balanse, bago ipagpatuloy ng Red Cross ang kanilang pagsusuri.

Ayon kay Secretary Roque, nagbigay na ng commitment si Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran ng pamahalaan ang obligasyon nito sa PRC.

Bukod dito, ang Department of Justice (DOJ) ay nagbigay na rin ng legal na opinyon na kailangang mag-provide ng partial payment ang PhilHealth sa Red Cross, habang sumasailalim sa review ang memorandum of agreement ng PhilHealth at PRC.

Kaugnay nito, humihiling naman ng pang-unawa at pasensya ang Palasyo sa mga OFWs, habang nire-resolba ng pamahalaan ang isyung ito.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga government at pribadong laboratoryo na asistehan ang mga OFWs sa kanilang PCR testing.

“We likewise ask the public, including our stranded overseas Filipino workers (OFWs) and overseas Filipinos (OFs), for their patience and understanding as we resolve this matter at the soonest possible time. In the meantime, we have already asked government and private laboratories to assist our OFWs and OFs in their RT-PCR testing.” pahayag ni Secretary Roque.