Palasyo, hindi uudyukan ang mga kandidato na gawing election issue ang Pederalismo sa kampanya

Ipinauubaya na ng MalacaƱang sa mga kandidato kung nais ng mga itong gamiting election issue ang tungkol sa pederalismo, sa sandaling magsimula na ang kampanya.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bahala na ang mga kumakandidatong timplahin kung ano ang sa tingin nila ay interes o gusto ng mga botanteng mapag-usapan sa panahon ng campaign period.

Wala ani Panelo sa kanilang kontrol, kung anong usapin ang nais ng mga kakandidato na ilahad nito sa mga botanteng Pilipino, lalong-lalo na ang mga nag-aambisyon sa mataas na kapulungan.

Gamitin man o hindi ang isyu sa pederalismo ng mga kumakandidato sa panahon ng kampanya, ay hindi aniya nila ito panghihimasukan o igigiit sa kanilang pag-iikot-ikot sa mga botante.

Bahala na aniya ang mga kandidatong mag-isip at tumimbang kung sa tingin nila ay makakapukaw ng atensiyon ang federalism sa kanilang panliligaw sa mga botante, at sa huli ay mai-convert ito sa boto. | ulat ni Alvin Baltazar