Palasyo, hindi natuwa sa pagdudumi ng mga turista sa isla ng Boracay

Hindi natuwa ang Palasyo nang mapanuod ang viral video, kung saan, hinayaan ng isang ina na dumumi ang kaniyang anak sa pampang ng Boracay at dito na rin ito hinugasan, habang ibinaon naman ng isa pang turista sa buhangin ang dumi ng bata.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mayroong umiiral na regulasyon sa isla, at lahat ay dapat na sumusunod dito, Pilipino man o hindi,

Malinaw aniya na mayroong naganap na paglabag dito, kaya’t mahaharap sa reklamo ang mga ito.

Offensive ayon kay Panelo ang ginawa ng mga turista, lalo’t pinagsi- sikapan ng pamahalaan na linisin at ibalik sa dating ganda ang isla.

Dapat aniyang sundin ng mga turista ang mga panuntunang ipinatutupad sa Pilipinas.

Iminungkahi rin ng Palasyo ang pagkakaroon ng portable restrooms sa isla, para matulungan naman ang mga turista.