Palasyo, hindi nagbabago ang pasiyang huwag magdeklara ng tigil putukan sa komunistang grupo ngayong holiday season

Ilang araw bago ang Disyembre 25, hindi pa rin natitinag ang Malacañang sa pasiya nitong huwag magbaba ng armas kontra sa communist group.

Sa gitna na rin ito ng kawalang balak mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na sundan ang unilateral ceasefire, na una nang idineklara ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Inihayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea, na nananatiling matibay ang paninindigan ng Presidente na hindi ito magdedeklara ng ceasefire sa grupo ng makakaliwa.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na sa ngayon, patuloy na sinusunod ng Palasyo ang rekomendasyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, na huwag magdeklara ng tigil putukan dahil sinasamantala lang ng CPP ang ceasefire para palakasin ang kanilang pwersa.

Base sa unilateral ceasefire ng CPP, iiral ang tigil putukan ng alas-12:01 ng hating gabi ng December 24, 2018 at tatagal ng hanggang alas-11:59 ng gabi ng December 26, 2018, habang iiral naman ang second round ng alas-12:01  ng hatinggabi ng December 31, 2018 at tatagal ng hanggang alas-11:59 ng gabi ng January 1, 2019. | ulat ni Alvin Baltazar