Palasyo: hindi na babalik pa ang Pilipinas na isang delikadong bansa sa mga mamamahayag

Tiniyak ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, na hindi na babalik pa ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang mataas ang peligro sa mga mamamahayag.

Ayon kay Andanar, hindi humihinto ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa pagtatrabaho kahit natanggal na ang Pilipinas sa top 5 most dangerous countries para sa mga mamamahayag.

Sinabi ni Andanar na tuloy-tuloy ang kampanya ng PTFoMS sa pangunguna ni Undersecretary Joel Egco, hindi lang upang mapanatili ang magandang estado ng seguridad ngayon ng mga mamamahayag sa bansa, kundi upang mabigyan din ng sapat na kaalaman ang mga Filipino journalist para sa kanilang proteksiyon, kabilang dito ang pamamahagi ng handbook na Personal Security Measures for Media Practitioners.

Matatandaan na sa huling report ng media freedom organization na Reporters Without Borders (RSF), inalis na ang Pilipinas sa top 5 most dangerous countries para sa mga mamamahayag habang nananatili sa unang puwesto ang Afghanistan, kasunod ang Syria, Mexico, India at ang America. | ulat ni Alvin Baltazar