Palasyo, hindi makuha ang lohika ni Cong. Castro kaugnay sa SALN sa ilalim ng HR 2467

Hindi maarok ng Palasyo ang paliwanag ni House Majority Leader at Capiz Congressman Fredenil Castro na mas madaling makaka-access ang publiko sa Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga mambabatas sa pinagtibay na House Resolution 2467.

Ito ay ang pangangailangang maaprubahan muna ng mayorya sa Plenary Session ng higit 200 kongresista ang isang kahilingang maisapubliko ang SALN ng isang mambabatas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi niya alam kung paano iintindihin ang lohika ni Congressman Castro sa ilalim ng bagong panuntunan sa pagkuha ng SALN ng isang partikular na miyembro ng Kamara.

“Burden” pa nga ito para kay Panelo, gayung napakarami pang daraanan na mga kongresista sa pagbabaka-sakaling makuha ng isang requesting party na makuha ang approval ng mga ito at sa huli’y makuha ang hinihiling na SALN.

Hiling ng tagapagsalita ng Pangulo, sana’y muling dumaan ito sa deliberasyon dahil kung hindi, ay baka lalo pang dumami ang mga tanong na bumangon.   | ulat ni Alvin Baltazar