Palasyo, hindi interesado sa magiging political career ni VP Leni sa sandaling maipatupad na ang transition government

Hindi interesado  ang Palasyo ng Malacañang sa kung ano ang kahihinatnan ni  Vice President Leni Robredo sa oras na maipatupad ang federal form of government at dumaan sa transition government ang Pilipinas.

Nais kasi ng Chief Executive na mapalitan ang Presidente at ang Bise Presidente sa oras na magkaroon ng transition government.

Ang reaksiyon ay ginawa ng Palasyo sa harap ng naging pahayag ni dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide na kaya lang ipinupursige ni Pangulong Duterte ang pederalismo ay para mapaiksi ang termino ni Robredo.

Pahayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, walang katuturan ang sinabi ng dating punong mahistrado gayung hindi pag-aaksayahan ng panahon ng Malacañang kung anuman ang mangyari sa karera ng pangalawang pangulo. Bahala aniya ang VP sa kanyang political career.

Ang pokus ng Malacañang ayon kay Roque ay kung saan patungo ang liderato  ni Pangulong Duterte kung saan paulit-ulit nitong sinabi na gusto niyang maiwang legacy sa taumbayan ang Charter Change patungo sa pederalismo at kapag ito ay nakamit ay bababa na ito sa puwesto. | ulat ni Alvin Baltazar