Palasyo, hinamon si dating DFA Chief Yasay na magpakita ng pruweba sa umano’y lobby money para sa passport printing

Hinamon ng Palasyo ng Malacañang si dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, na maglabas ng ebidensya kaugnay sa naging alegasyon nito tungkol sa umano’y lobby money para sa printing ng pasaporte sa bansa.

Ito ay ang sinasabing P38-billion peso lobby money para manatili umano ang ugnayan ng kumpanyang APO Production Unit Inc. at United Graphic Expression Corporation para sa pag-imprenta ng Philippine passport.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hangga’t walang maipapakitang matibay na ebidensya ang mga pahayag ni Yasay, mananatili lamang aniya itong alegasyon.

Maari naman aniyang sumulat si Yasay at lakipan ng mga dokumento para maayos na matugunan ng Palasyo.

Maluwag aniya na tinatanggap ng Administrasyon ang anumang impormasyon na may kinalaman sa anomalya, korapsyon o anumang uri ng eskandalo basta’t may kaakibat na ebidensiya.  | ulat ni Alvin Baltazar