Palasyo, hihintayin ang rekomendasyon ng PAGCOR kaugnay sa panawagan ng China na i-ban sa bansa ang online gambling

Hihintayin na lamang ng Palasyo ang rekomendasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa panawagan ng China sa bansa na ganap nang ipagbawal ang lahat ng porma ng online gambling operation sa Pilipinas.

Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na si Pangulong Duterte lang kasi ang makakapagpasya sa bagay na ito, lalo’t
sa ilalim ng ating batas, legal ang online gambling.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang hindi pagtanggap ng PAGCOR sa aplikasyon ng mga bagong casino.

Matatandaan na sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang na ikinagagalak nila ang hakbang na ito ng PAGCOR, at umaasa aniya sila na tuluyan na ring ipagbawal ng Pilipinas ang online gambling operations sa bansa.