Palasyo, hihintayin ang pasiya ng Korte Suprema sa mandamus petition sa umento ng sahod ng gov’t workers

Nasa hurisdiksyon na ng Supreme Court kung ano ang ibababang hatol nito sa mandamus petition ni House Majority Leader Rolando Andaya.

Ito ay para obligahin si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na ilabas na ang salary increase ng mga kawani ng pamahalaan sa kabila ng hindi pa pag-aapruba sa 2019 national budget.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mas maiging hindi na sila magbigay ng komento dahil na rin sa tinatawag na subjudice doctrine.

Nakapagpaliwanag na ani Panelo si Diokno, kung bakit hindi maibigay ang ika-apat na bugso ng salary standardization law.

Ito ay dahil sa huhugutin ang salary hike mula sa 2019 proposed budget na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaaprubahan ng Kongreso.

Hulyo ng 2018 pa isinumite mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposed budget para sa taong ito, na ginawa ng Chief executive noong kanyang State of the Nation Address (SONA). | ulat ni Alvin Baltazar