Palasyo, dumistansiya sa pagbawi ng TRO sa kaso ni dating Pangulong Aquino sa Mamasapano massacre

Dumistansiya ang Palasyo ng MalacaƱang sa pinakahuling development patungkol sa kaso ng graft and usurpation of authority laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino.

Kaugnay ito ng pag-aalis sa Temporary Restraining Order o TRO sa asunto ng dating Pangulo, na may kinalaman sa pagkakalagas ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano noong Enero 25, 2015.

Sabi ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, ayaw nilang panghimasukan ang trabaho ng Korte na isa aniyang hiwalay na sangay o independent branch ng pamahalaan.

Nasa hurisdiksiyon aniya ng hudikatura ang kaso ng dating Presidente, at kanila aniyang iginagalang ang pagiging independent nito.

Una nang nagpalabas ang Supreme Court First Division ng TRO noong February 2018, na pansamantalang pumigil sa dapat sana ay arraignment noon ng dating Pangulo, pero ito ay binawi na sa isinagawang en banc session ng Korte Suprema kahapon.