Palasyo, dumistansiya sa pagbasura ng Sandiganbayan sa forfeiture case ng mag-asawang Marcos

Hands off ang Malacañang sa isyu ng anumang maaaring maging development sa mga kasong posibleng iakyat sa Korte Suprema kontra kina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating First Lady Imelda Marcos.

Kasunod na rin ito ng ginawang pagbasura ng Sandiganbayan sa P102-billion forfeiture case sa mag-asawang Marcos at labing isang cronies nito, dahil na rin sa kawalan ng matitibay na ebidensiya.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, mabuting ipaubaya na lang sa korte ang usapin sakali’t iakyat ang kaso sa kataas-taasang hukuman matapos na i-dismiss ang bilyon-bilyong pisong forfeiture case.

Wala ani Panelo sa kanilang hurisdiksiyon, para magdetermina kung may tsansang mabaliktad ng Korte Suprema ang naging ruling ng Sandiganbayan na i-dismiss ang nabanggit na kaso sa mag-asawang Marcos.

Sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo, na tanging sa iprinisentang ebidensiya lang naman manghahawak ang korte kung idi-dismiss nito o hindi ang isang kasong nililitis.