Palasyo, ‘di sinisisi ang China sa delay sa paglikha ng Code of Conduct sa WPS

Binigyang diin ng Palasyo na hindi nito isinisisi sa China ang pagkaka-antala sa pagbuo ng Code of Conduct o COC sa West Philippine Sea (WPS).

Sa isinagawang press briefing ni Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, inihayag nitong wala namang namumutawing salita mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na China ang dahilan kaya nagkakaroon ng delay sa COC, at ang gagawin lang aniya ng Presidente ay i-follow up ito sa kanilang bilateral meeting ni Chinese President Xi Jinping ngayong araw.

Naniniwala kasi ani Panelo ang Pangulo, na ito ang magsisilbing daan para matamo ang peace stability sa rehiyon kung saan pinag-aagawan ang ilang bahagi ng South China Sea.

Isa ang pagbalangkas ng COC sa mga napagkasunduan ng ASEAN countries at China, na inaasahang magiging gabay sa kilos ng lahat ng claimants sa West Philippine Sea.

Ang Pilipinas ang naatasan bilang country coordinator sa pagitan ng ASEAN at China.

Una nang sinabi ng Pangulo na naiinip na siya dahil sa tila mabagal na pag-usad sa pagbuo ng Code of Conduct kung kaya’t kasama ito sa mga itatanong niya kay President Xi sa kanilang pulong mamaya.