Palasyo: Dapat makipagtulungan sa administrasyon ang opposition senators na mananalo sa halalan

Naniniwala ang Palasyo na sa oras na manalo sa darating na eleksyon ang mga opposition senator, nangangahulugan lamang ito na itinalaga sila ng mga botante sa puwesto upang tumulong sa administrasyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, ang mensahe ng taumbayan sa pagtatalaga ng mga bagong senador ay upang makipagtulungan ang mga ito sa adminstrasyon, at hindi upang sirain ito.

Ayon kay Panelo, ekspresyon ito ng mga botante na nagtitiwala sila sa magiging kooperasyon ng mga senador kay Pangulong Rodrigo Duterte, lalo’t tiwala ang taumbayan sa pamamahala ng Pangulo.

Kaugnay nito, sinabi ni Panelo na hindi mahalaga kung kaalyado ng administrasyon o mula sa oposisyon ang mga bagong mauupong senador.

Ang importante aniya ay ang pagkapanalo ng boses ng taumbayan, sa pagluklok sa posisyon ng mga nais nilang kandidato. | ulat ni Racquel Bayan