Palasyo, bumuwelta sa pagsakay ng mga kritiko ng administrasyon sa isyu ng pang-aangas ni Rep. Bertiz

Umalma ang Palasyo sa pagsakay ng mga kritiko ng administrasyon sa kontrobersiyang kinasangkutan ni OFW Partylist Representative John Bertiz.

Sabi kasi ng mga kritiko, ang inasal ni Bertiz ay naglalarawan lang ng uri ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakikita rin sa kanyang mga kaalyado.

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, walang katotohanan ang naturang banat ng mga kritiko gayung siya na isang kaalyado ng Presidente ay sumusunod naman sa lahat ng security requirements.

Kailanman ay hindi siya nag-angas o lumabag sa security protocol sa tuwing siya’y bumibiyahe at sa halip siya’y nagpapasakop sa mga itinatakdang tuntunin sa mga paliparan.

Talagang naghahanap lang ayon sa Palace Spokesperson ng maibubutas ang mga detractos ng administrasyon na nauubusan na ng masisilip na mga akusasyon lalo na sa Pangulo.

Taliwas aniya sa pilit na tinatarget ng oposisyon na hilahin ang popularidad ng Pangulo ay umakyat na naman ang trust ratings ng Presidente, kaya pati ang isyu kay Bertiz ay ginamit na din ng mga kalaban. | ulat ni Alvin Baltazar