Palasyo, bumuwelta sa bagong patutsada ni CPP-NPA Chairperson Sison laban sa pamahalaan

Itinanggi ng security cluster ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang peace talks sa New Peoples’ Army (NPA).

Binuweltahan ng MalacaƱang ang pinakabagong banat ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison sa pamahalaan.

Sabi ni Joma, ang security cluster ng administrasyon ang dahilan kung bakit nadiskaril ang peace negotiation sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo.

Buwelta ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang ibang dapat na sisihin ang CPP kundi ang kanilang mismong mga sarili, gayung sila ang lumalabag sa mga patakaran na may kaugnayan sa usaping pangkapayapaan.

Dagdag din ni Panelo, tahasan ang pagsuway na ginawa ng grupong makakaliwa na kung saan, dapat ay walang barilan, walang patayan, at walang ambush na mangyayari habang ginaganap ang peace negotiation.

Dahil dito, mismong si Pangulong Duterte na ang nag-utos na itigil na ang usapang pangkapayapaan, dahil sa kawalan ng sinseridad ng kabilang grupo sa pakikipag-usap sa gobyerno.

Sa panibagong pahayag ni Sison, ay sinisi nito ang security cluster ng gobyerno dahil sa umano’y pagsulsol sa Pangulo na itigil ang peace talks. | ulat ni Alvin Baltazar