Pakikiramay ng mga senador sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Aquino III, patuloy ang pagbuhos

Ilan pang mga senador ang nakiisa sa pagluluksa ng sambayanan sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Aquino III. 

Pinahayag ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang kanyang pakikiramay sa mga naiwang kapatid at kaanak ni PNoy. 

Kasabay nito ang pagkilala at pagpapasalamat sa paglalaan aniya ng dating Pangulo ng kanyang buhay para sa pagseserbisyo sa taumbayan. 

Sinabi ni Go na mataas ang pagrespeto nila ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating Pangulong Aquino na nakasama nila sa maraming okasyon lalo na noong tumakbo ito sa pagka-Pangulo noong 2010. 

Inalala naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang pinagsamahsn nila ni PNoy noon sa Kamara mula taong 1998 hanggang 2007. 

Ayon kay Zubiri, bilang colleague ay kinikilala at nirerespeto niya ang pagiging dedicated public servant ni Aquino. 

Mula aniya sa pagiging congressman, senador hanggang sa maging Pangulo ng bansa ay nabalanse ni PNoy ang pagiging isang Aquino at ang paggawa ng sarili niyang pangalan. 

Samantala, inilarawan naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto bilang matapang at taong may paninindigan ang dating Pangulo. 

Ayon kay Recto, kapag nagbabangga ang politika at ang prinsipyong pinanghahawakan nito ay laging pinipili ng dating Pangulo ang kanyang prinsipyo, kahit pa makabangga ng mga kaibigan at mga kaalyansa. 

Mas nais aniya nitong magtrabaho ng tahimik at magtrabaho ng husto nang walang magagarbong aksyon.