Pakikipagpulong sa bagong PNP chief, hihilingin ng ‘transport at commuters’ group 

Plano ng malaking transport at commuters group na makipagpulong sa bagong upong Philippine National Police (PNP) chief na si Police Director General Oscar Albayalde upang iparating ang kanilang mga suliranin at rekomendasyon, halimbawa na lang ang  matagal ng problema ng colorum sa bansa.

Sa ginanap na pledge of cooperation sa pagitan ng Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas (LTOP) at ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) iginiit nina Lando Marquez at RJ Javellana na imposibleng hindi ito batid ng mga nakakasakop na station commanders.

Itinuturing ng commuters group na ang kotong cops ang isa sa malalaking bagay na nagnanakaw ng kanilang kakarampot na kita sa kalsada.

Kapwa tumanggi naman ang dalawa na ituro ang mga police official at kung saang lugar talamak ang iligal na gawain dahil parang bumili na rin sila ng kandila at ibinuwis ang kanilang buhay.

Pero hihilingin nila sa PNP chief na magbaba ito ng direktiba na sisibakin ang bawat opisyal na mahuhulihan ng kolorum na pampublikong sasakyan sa hurikdisyon nito.

Ngayong hapon naman, bubuuhin na ng dalawang grupo ang liham komunikasyon para kay Albayalde upang hindi maulit ang nangyari noon na tatlong beses sinubukang makipag-dayalogo ng LTOP kay dating PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa subalit sila ay nabigo. | via Shane Juan