Pakikipag-usap ng LP members kina Sen. Pacquiao at Mayor Isko Moreno, di nagustuhan ni dating Sen. Trillanes

Hindi matatanggap ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang ginagawang pakikipag-usap ng ilang myembro ng Liberal Party (LP) kina Senador Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.

Reaksyon ito ng dating senador matapos aminin ni Senador Francis Pangilinan na may negosasyon sila para kumbinsihin sina Pacquiao at Moreno na posibleng maging pambato sa 2022 Presidential elections.

Sa kanyang Twitter account, mariing binatikos ni Trillanes ang hakbang na ito ni Pangilinan.

Sinabi ng dating senador na hindi ito katanggap-tanggap lalo pa at kilalang kaalyado ng administrasyon sina Pacquiao at Moreno.

Iginiit ni Trillanes na limang taon silang lumalaban sa administrasyon kung kayat walang dapat makinabang sa kanilang pakikipaglaban kundi ang mga tunay na opposition.

Una nang sinabi ni Senador Kiko Pangilinan na mayroong ginagawang pakikipag-usap ang LP sa iba pang personalidad upang matiyak na mayroong iisang kandidato sa pagka- Pangulo ang opposition sa susunod na taon.