Pahayag ni Sison na hindi mangongolekta ang NPA sa mga kandidato, pinagdudahan ni PNP Chief Albayalde

Nagpahayag ng pagdududa si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chair Jose Maria Sison na hindi mangongolekta ng pera ang New People’s Army (NPA) sa mga kandidato sa halalan.

Ayon sa PNP Chief, base sa karanasan walang kontrol si Joma Sison sa ginagawa ng mga NPA “on the ground.”

Giit ni Albayalde, kanya-kanyang diskarte ang ginagawa ng NPA commanders sa kani-kanilang nasasakupan.

Katunayan aniya, ay mas minarapat ng pamahalaan na isulong ang localized peace talks, para direkta nang kausapin ang iba’t-ibang grupo ng NPA sa kanayunan, dahil hindi narin sumusunod kay Joma Sison ang mga ito.

Naging kalakalan na ng NPA na maningil ng pera sa mga kandidato para sa “permit to campaign” at “permit to win” na depende ang halaga sa posisyong tinatakbuhan ng mga ito.

Tiniyak naman ni Albayalde, na handa ang PNP na bigyan ng proteksyon ang mga kandidato na magtutungo sa mga liblib na lugar para mangampanya, kung hihilingin nila. | ulat ni Leo Sarne