Pahayag ni PRRD na maaaring tumanggap ng regalo ang mga pulis, hindi labag sa Konstitusyon – Malacañang

Ipinagtanggol ng Malacañang ang Pangulong Rodrigo Duterte mula sa iba’t ibang reaksyon kaugnay ng naging pahayag nito na wala siyang nakikitang masama kung tumanggap man ng regalo ang mga pulis.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, exemption sa anti-graft provision o Republic Act No. 3019 kung ang isang regalo ay kusang ibinigay ng mga taong nabigyan ng tulong ng mga pulis at hindi bilang suhol kundi bilang isang token of gratitude o pasasalamat.

Wala rin aniyang nalalabag na batas sa ilalim ng Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees kung ang isang bagay o regalo na ibinigay ay hindi bilang pabor na hiningi ng isang taga-gobyerno kapalit na naitulong nito sa isang indibidwal.

Bilang isang abogado, inihayag ni Panelo na batid ng Presidente ang itinatakdang mga “exemption” sa probisyon ng batas .

Mahigit ani Panelo sa dalawang dekadang naglingkod sa local government ang Pangulo at batid nito kung gaano kasidhi ang pagnanais ng mga naging constituents nito para maiparamdam ang kanilang “appreciation” sa nagawa ng Pangulo sa Davao na itinuturing ngayong isa sa pinakaligtas na lugar sa Asya.