Pahayag ng Pangulo laban kay CJ Sereno, hindi dapat ituring na pag atake sa hudikatura ayon sa Malacañang

Pumalag ang Malacañang sa panawagan ng isang grupo ng mga abugado sa bansa na imbestigahan ng United Nations ang impeachment process laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.

Sa isang statement, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na hindi nanggaling sa ehekutibo ang panawagang patalsikin sa pwesto ang punong ehekutibo.

Base aniya sa mga naganap, kitang-kitang kusang humarap at tumestigo laban kay CJ Sereno ang ilan sa mga justices ng Supreme Court (SC) sa impeachment proceedings ng House of Representatives.

Ang mga kasamahan rin aniya ni Sereno ang nanawagan para mag-indefinite leave ito para mapangalagaan ang integridad ng kanilang institusyon, at ang SC rin ang kumilos na magkaroon ng oral arguments para sa quo warranto petition.

Muli rin iginiit ni Roque, na ang pahayag ng Pangulo laban kay Sereno ay reaksyon lamang sa mga akusasyon ng punong mahistrado na ang Pangulo ang nasa likod ng kanyang impeachment.

Matagal na aniyang nananahimik ang Pangulo sa naturang isyu pero dahil direkta nang isinapubliko ni Sereno ang akusasyon nito ay sumagot lang ang Pangulo.

Kaya naman pagbibigay diin ni Roque, ang pahayag ng Pangulo ay pagpapakita ng disgusto sa punong mahistrado, at hindi ito dapat ituring na pag atake sa hudikatura o pangingialam sa judicial independence. | via Nimfa Mae Asuncion