Pahayag ng mga economic manager na maibaba ang inflation rate sa 3rd quarter ng 2018, pinagdududahan

Hindi lubos na pinaniniwalaan ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines na kayang maibaba ng mga economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inflation rate sa ikatlong quarter ngayong taon.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, wala namang konkretong inisyatiba ang mga economic manager kundi puro salita na lamang.

Nangangamba pa lalo ang labor group na baka lalo pang lumala ang inflation rate sa third quarter dahil wala naman silang ipinatutupad na safety net programs.

Binigyang halimbawa nito na hanggang ngayon hindi pa nabibigyan ng konkretong solusyon ang mataas na presyo ng bigas sa merkado.

Pinangangambahan ng labor group na baka lalo pang mabaon sa kahirapan ang mga manggagawa dahil sa hindi mapigil na pagtaas ng presyo ng pagkain at bayarin sa serbisyo. | ulat ni Rey Ferrer