Pahayag na nagagamit ng ilang drug group ang iba’t-ibang grupo ng walang kamalay-malay para siraan ang drug war ng pamahalaan, walang dahilan para bawiin ayon sa Palasyo.

Hindi ikagugulat ng Malacañang kung nagagamit man ng nasa sindikato ng droga ang ilang organisasyon nang wala silang kaalam-alam, at nagiging instrumento na pala upang sirain ang bayan.

Ito ang ipinahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Atty Salvador Panelo, matapos sabihin nina Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano at Presidential Spokesperson Harry Roque, na hindi malayong nagagamit ng mga drug lord ang human rights groups para patuloy na labanan ang war on drugs ng gobyerno.

Paliwanag ni Panelo, posibleng napopondohan ng drug money ang naturang grupo gaya ng human rights, nang hindi nalalaman na ang salapi pala ay katas ng iligal na droga.

Kaugnay nito’y, binigyang-diin ni  Panelo na wala siyang nakikitang dahilan para bawiin nina Cayetano at Roque ang kanilang pahayag hinggil sa human rights groups.

Hindi naman aniya tahasan o direktang tinumbok ang alegasyon, na tumatanggap ng pondo galing sa drug lords ang human rights groups, kundi sinabi lamang na baka sila nagagamit nang hindi nila alam para siraan ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong duterte. | via Alvin Baltazar