Pagtuturok sa mga kabilang sa A-4 priority group, pinaghahandaan na ng pamahalaan

Pinaplantsa na ng National Immunization Technology Advisory Group o NITAG ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine, para sa mga kabilang sa A-4 category o mga essential workers.

Ngayong unang linggo ng Hunyo target simulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa A-4 o mga kawani ng gobyerno, mga manggagawa sa pribadong sektor, mga informal workers o mga self-employed.

Nauna nang inihayag ng National Task Force Against COVID-19 na ang mga lokal na pamahalaan ang bahalang tumukoy kung sino sa A-4 category ang uunahin nilang mabakunahan.

Binigyang din nito na kapangyarihan ng local government unit (LGU) na unahing bakunahan ang mga nasa A-4 category na nasa 40 taong gulang hanggang 59 na taong gulang, at saka isunod ang mga mas nakababata mula edad 18 hanggang 39 taong gulang.

Sa kasalukuyan, ani Duque, ay hindi pa sapat ang kabuuang bakunang nakuha ngayon ng bansa, para maiturok sa mga kabilang sa A-4 category. Kaugnay nito, hinikayat ng gobyerno ang mga nasa A-4 priority group na magparehistro sa kanilang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng online registration.