Pagtutol ng mga militante sa pagpasok ng PNP, AFP sa mga paaralan, “over-acting” – PNP Chief

Binuweltahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde ang mga militanteng grupo sa pagtutol nila sa pagpasok ng mga pulis at sundalo sa mga paaralan, at sinabing “over acting” ang mga ito.

Giit ng PNP chief, walang katotohanan ang sinasabi ng mga militante na ito ay hahantong sa militarisasyon ng mga campus.

Ayon sa PNP chief, dati pa naman sila nakakapasok sa mga paaralan, kung may sapat na dahilan at may koordinasyon sa school authorities.

Tinukoy ng PNP chief ang OPLAN balik eskwela, kung saan may help desks pa ang PNP sa mga paaralan, para pangalagaan ang seguridad ng mga estudyante, guro at mga magulang.

Dagdag ng PNP chief, wala naman silang naririnig na reklamo mula sa mismong mga school administrator at mayorya ng mga estudyante sa mga campus.

Iilan lang aniya ang mga militanteng nag-iingay, para lang ma-agitate ang mga estudyante.

Ang pahayag ng PNP chief, ay kaugnay ng isinusulong ni Senator Bato Dela Rosa na hakbang na pahintulutan ang PNP at AFP, na makapasok sa mga campus para magkaroon ng regular na diyalogo sa mga estudyante, upang hadlangan ang pang-iimpluwensiya at pagrerecruit ng NPA ng mga inosenteng magaaral.