Pagtugon sa climate change, dapat maging isang election issue ayon kay Senador Marcos

Sinabi ni Senadora Imee Marcos na dapat maging isang election issue ang climate change.

Ipinunto ni Marcos na matagal nang nagbabala ang mga eksperto tungkol sa malaking problemang idudulot ng climate change at nakikita na aniya yan sa naranasang malawakang pagbaha sa Europa, wildfires sa Australia at U.S. at malalakas na mga bagyong naranasan ng ating bansa gaya ng mga bagyong Yolanda at Ondoy.

Aniya, ang mga bansa sa buong mundo ay kumikilos na upang mapatatag ang kanilang mga climate change mitigation program para makasunod sa targets ng Paris Agreement on Climate Change.

Bagamat kabilang aniya ang Pilipinas sa mga pumirma sa kasunduang ito, ang katotohanan aniya ay bigo pang ganap na makasunod ang ating bansa ating mga commitment.

Binigay na halimbawa ng mambabatas ang pagtaas ng share ng coal sa generation mix ng ating bansa sa nakalipas na kalahating dekada.

Kaya naman sa nalalapit na 2022 elections, giniit ng senadora na dapat hanapin ng mga botante sa mga kandidato ang kanilang climate change agenda lalo’t ang ating bansa ang isa sa mga most vulnerable countries pagdating sa epekto ng climate change.