Pagtitipon ng 250 armadong MNLF members sa Maguindanao, nakakaalarma

Nakakaalarma at isang “unnecessary show of force” ang ginawang paglabas ng 250 MNLF members sa kanilang kampo para magsagawa ng grand rally sa Buluan Municipal gymnasium sa Maguindanao nitong Sabado.

Ito ang pahayag ni Western Mindanao Command (WESMINCOM) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, matapos sitahin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga naturang MNLF members sa pamumuno ni Gaimaludin Gulam, MNLF Chief Border Command.

Boluntaryo namang isinuko ng mga MNLF member ang kanilang mga armas na binubuo ng 37 hindi-lisensyadong armas kasama ang ammunition sa mga tropa ng 40th Infantry Battalion.

Ipinaliwanag ng mga sundalo ang umiiral na protocol na naintindihan naman ng mga MNLF members, at pinakawalan din ng militar ang mga ito matapos ang isang diyalogo.

Sinabi naman ni Sobejana, na hindi na nila ibabalik sa MNLF ang mga nakumpiskang armas, at dapat may koordinasyon ang MNLF leadership sa mga otoridad bago sila bumiyahe at lumabas ng kanilang kampo o komunidad.

Tiniyak ng heneral, na hindi na mauulit pa ang ganitong insidente matapos makipag-usap ang militar sa liderato ng MNLF.