Pagtawag sa kanya na balat-sibuyas, pinalagan ni Spox Panelo

Pumalag si Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo sa pagtawag sa kanya ng “balat sibuyas” ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

Kaugnay ito ng hakbanging legal ng tagapagsalita ng Pangulo kontra Rappler at Inquirer.net matapos maisulat na siya ay nag-endorso umano upang mabigyan ng pardon si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.

Ayon kay Panelo, dati rin siyang broadcast journalist at kolumnista kaya’t alam niya ang limitasyon ng press freedom.

Based on facts aniya dapat ang paglalahad ng istorya at hindi marapat na haluan ng adbokasiya, dahil magsisilbi umano itong banta, pag-atake at pang-aabuso mismo sa freedom of the press.

Nirerespeto ani Panelo ang karapatan sa pamamahayag, pero naging iresponsable umano ang dalawang news organization na nagbigay batik at duda sa kanyang integridad, kaya’t naniniwala siyang dapat siyang gumawa ng legal na hakbangin.