Pagtawag sa Cagayan de Oro bilang hotspot sa midterm elections, walang problema – Mayor Moreno

Walang dapat ikabahala para kay City Mayor Oscar Moreno ang pagkakabilang ng Cagayan de Oro sa listahan ng Philippine National Police (PNP), bilang isa sa mga hotspot sa darating na 2019 midterm elections.

Pero inamin ng alkalde na hindi niya ito nagustuhan, dahil magdudulot ito ng negatibong imahe sa lungsod.

Aniya, wala namang nakikitang karahasan kung ang pag-uusapan ay ang tungkol sa election, maliban lamang sa katunggali niya na walang humpay sa paninira sa kanya, o ang tinatawag na demolition job laban sa kanya.

Napag-alaman na ang local police sa pamamagitan ni City Police Director Senior Police Superintendent Nelson Aganon, ay nag-request na tanggalin ang Cagayan de Oro sa listahan ng mga hotspot area, gayung wala namang presensiya ng goons at mga narco-politician.

Sinabi rin ng alkalde na para sa kanya, dapat umanong i-review ng PNP National Headquarters ang kanilang assessment bakit tinawag na hotspot ang Cagayan de Oro, at tanging ang Commission on Elections (Comelec) lang ang may otoridad sa pag-handle sa election. | ulat ni Romy Capinpuyan – Radyo Pilipinas Cagayan De  Oro