Pagtawag ni Sen. Pangilinan na kaso ng EJK ang pagpaslang kay Tanauan City Mayor Halili, premature ayon sa Palasyo

Tinawag na espekulasyon ng Malacañang ang pahayag ng isang opposition senator na ang nangyaring pagpaslang kay Tanauan Batangas Mayor Antonio Halili ay isang kaso ng extra judicial killing (EJK).

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, haka-haka lang ni Senador Kiko Pangilinan ang pinalulutang nitong produkto ng EJK ang sinapit ni Mayor Halili.

Pagbibigay diin ni Roque, premature ang pagbibigay ng ganoong konklusyon gayung nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa pangyayari.

Ni hindi pa nga alam kung ano ang motibo o rason sa pagpatay sabi ni Roque at ang mas maigi aniyang gawin sa ngayon ay hintayin na lang ang resulta ng ikinakasa nang pagsisiyasat.

Hayaan na lang aniya ang mga autoridad na gawin ang kanilang trabaho at mula duo’y matumbok ang mga nasa likod ng krimen sa halip na magpakalat ng espekulasyon na walang pinaghahawakang basehan. | ulat ni Alvin Baltazar