Pagtatayo ng oxygen-generating plant sa Philippine Red Cross, balak ni Sen. Gordon

Plano ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at Senador Richard Gordon na magpatayo ng isang emergency oxygen-generating plant sa PRC. 

Ito ay sa gitna aniya ng malaking pangangailangan ngayon sa medical oxygen hindi lamang sa paggamot sa COVID-19 kundi maging sa iba pang sakit gaya ng pneumonia. 

Sinabi ni Gordon na dahil sa pagsipa ng demand sa mga medical oxygen ay marami na ring mapagsamantalang supplier ang nagtataas ng sobra ng presyo nito. 

Aniya, dati ay nasa P6,000 lang ang presyo ng mga medical oxygen pero ngayon ay umaabot na ito ng P13,000 hanggang P25,000. 

Ipinunto ng senador na sa India, maraming mga COVID-19 patients ang nasawi dahin sa hindi pagkakaroon ng suplay ng medical oxygen sa kanilang mga ospital. 

Kaya naman kailangan aniyang paghandaan ng Pilipinas ang ganitong sitwasyon upang hindi maging kasing grabe ng sa India ang mangyari sa ating bansa.