Pagtatangkang ibagsak ang administrasyon ni Pangulong Duterte, malabo – SAP Go

Walang bahid na pagdududa si Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go, na hindi magtatagumpay ang anumang tangka ng iba’t-ibang grupo na nagnanais na mapatalsik sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang ipinahayag ni SAP Go, sa gitna ng nabubunyag ngayong panghihikayat ng mga kumakalaban sa administrasyon upang mapaalis sa kapangyarihan ang Commander-in-Chief, kabilang na ang pangungumbinsi sa ilang hanay ng kasundaluhan.

Ayon kay SAP Go, mataas ang professionalism ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at malaki ang pagrespeto nito sa tinatawag na “chain of command”.

Dagdag ni Go, na hindi rin naman lingid sa kaalaman ng AFP kung paano nagtatrabaho ang Presidente habang hindi rin maitatanggi na mayorya ng mga Pilipino ay patuloy na sumusuporta sa Pangulo.

Ayon kay Go, matagal na nilang alam ang galaw ng iilan lang namang grupo kabilang na ang oposisyon na wala ng ibang alam na gawin kung hindi siraan si Pangulong Duterte. | ulat ni Alvin Baltazar