Pagtatanggal ng Filipino bilang subject sa kolehiyo, posibleng matalakay sa susunod na Cabinet meeting

Posibleng mabuksan sa susunod na Cabinet meeting ang usapin hinggil sa planong pagtanggal sa Filipino bilang subject sa kolehiyo.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa harap ng nakabinbin pa ring desisyon tungkol sa kung tatanggalin na ba ang Filipino sa college curriculum.

Ayon kay Panelo, hindi malayong maidulog ng Commission on Higher Education (CHED) ang isyu sa susunod na pagpupulong ng mga miyembro ng Gabinete at mula doo’y magkaroon ng tindig ang Palasyo kaugnay sa nasabing usapin.

Mismong ang CHED umano ang nagsulong na alisin na sa listahan ng mga subject ang Filipino dahil sa aniya’y duplication na ng mga asignatura gayung ito’y naituro na naman sa elementarya at high school.

Pero giit naman ng mga sektor ng unibersidad, hindi repeated lesson kundi continuation at pagpapalawak ang subject na Filipino sa kolehiyo kaya’t hindi ito dapat tanggalin sa tertiary level.  | ulat ni Alvin Baltazar