Pagtatalaga ng focal persons for media security, pinaplantsa na ng PNP

Magtatalaga ang Philippine National Police (PNP) ng mga “focal persons” sa bawat lalawigan at syudad na maaring lapitan ng mga miyembro ng media para sa anumang “concern” sa kanilang seguridad.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson PCol. Roderick Augustus Alba, bilang pagtalima sa kautusan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Kasunod ito ng nangyaring pamamaslang sa mamamahayag na si Jaynard Angeles sa Sultan Kudarat kahapon.

Sinabi ni Alba na kinikilala ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos ang kahalagahan ng media sa paghahatid ng tamang impormasyon at balita sa publiko lalo na ngayong panahon ng halalan.

Tiniyak ng PNP na magiging katuwang sila ng media sa panahon ng halalan kung saan magiging malaking hamon ang kanilang trabaho.

Una rito, tiniyak ng DILG ang buong suporta sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) upang masigurong hindi na mauulit ang malagim na pagpatay sa mga mamamahayag tulad ng Maguindanao Massacre na nangyari sa panahon ng halalan.