Pagtataguyod sa karapatang pantao sa ilalim ng Federalism, hindi raw maisasantabi – dating Chief Justice Puno

Tiniyak ng binuong  Constitutional Committee o Con-Com na hindi maisasantabi ang pagtataguyod sa karapatang pantao sa bagong Saligang Batas.

Ito ang inihayag ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno sa harap ng puna ng mga kritiko na mas titindi umano ang paglabag sa karapatang-pantao sa ilalim ng bagong konstitusyon.

Sa ginanap na Federalism Forum sa San Juan City, sinabi ni Puno na wala silang binago sa itinatadhana ng kasalukuyang Saligang Batas pagdating sa aspeto ng human rights.

Sa halip, mas pinalawak at pinalakas pa nila ito sa ilalim ng mga nilagdaang kasunduan ng Pilipinas sa international community.

Layunin aniya nito na mahabol at mapanagot maging ang mga dayuhang lalabag sa karapatang-pantao ng mga Pilipino.

Inupakan rin ni Puno ang mga kritiko ng draft constitution dahil sa napakarami aniyang kasinungalingan ang ipinapakalat ng mga ito. Kasabay nito, ipinasakamay ni Puno ang kopya ng draft federal constitution sa bagong tatag na Partido Federal ng Pilipinas. | ulat ni Rey Ferrer