Pagtanggal sa kontrol ni Mayor Garin sa local Police, inendorso sa NAPOLCOM ni Albayalde

Ini-endorso ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagtanggal sa kontrol at superbisyon sa local Police ni Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin.

Ito ay base sa rekomendasyon ni Police Regional Office 6 Director Chief Superintendent John Bulalacao, kasunod ng isidente ng pambubugbog sa isang pulis na kinasasangkutan ng Alkalde at ng kanyang anak na si Iloilo 1st District Representative Richard Garin.

Sa naturang insidente, na naganap kamakalawa ng madaling araw sa Guimbal Town Plaza, dinis-armahan, pinosasan, binugbog at dinuraan ni Congresman Garin ang pulis na si PO3 Federico Macaya Jr., habang tinututukan umano ng baril ng alkalde.

Ayon sa PNP chief, hindi niya mapapahintulutan na walang makamit na hustisya ang pulis na umano’y nilapastangan ng mag-amang Garin.

Kaugnay nito inatasan na rin ni Albayalde ang PNP Legal Service na ipagkaloob ang lahat ng kanilang tulong sa pagsasampa ng kriminal na kasong Physical Injuries, Assault Upon a Person in Authority, Alarm and Scandal, Grave Coercion at Grave Threats ni PO3 Macaya laban sa alkalde at mambabatas.

Nakahanda rin aniya ang PNP Legal Service na ipagtanggol si PO3 Macaya laban sa anumang kontra-asunto na isasampa laban sa kanya ng mag-amang Garin.  | ulat ni Leo Sarne