Pagtalaga sa MTRCB member bilang backchannel negotiator, fake news — Lorenzana

Fake news lang ang balitang inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte si Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) member Avelino “Billy” Andal na magsagawa ng backchannel negotiations sa mga komunista.

Ito ang nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isang mensahe sa mga mamahayag.

Ito’y kasunod ng pagbubunyag ni Andal na inutusan siya ng Pangulo na makipag-usap kay Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chair Joma Sison para matuloy ang naudlot na peace negotiations.

Ayon kay Lorenzana, ang Pangulo mismo ang nagsabi na hindi siya nagbigay ng ganitong kautusan kay Andal.

Magugunitang kamakailan lang ay sinabi ng Pangulo na bukas siya sa muling pakikipag-usap sa mga komunista matapos tuluyang ibasura ang peace negotiations noong nakaraang taon. | ulat ni Leo Sarne