Pagtalaga bilang kalihim ng DSWD, isa daw malaking hamon para sa kanyang kakayahan ayon kay bagong DSWD Sec. Joselito Bautista

Hiningi na ni bagong Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa sa Department of Social Welfare kasunod ng pagsisimula ng kanyang panunungkulan.

Para sa kanya ang pagkakaisa at teamwork sa pagbibigay ng episyenteng serbisyo sa taumbayan ay isang mahalagang bagay.

Aniya, mahirap man ang mga pagsubok na darating, pero kung magtutulungan at sama-samang tatahakin ang tamang landas, nakatitiyak siya na mapagtatagumpayan ito tungo sa ikabubuti ng sambayanan.

Kasunod ito ng anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Sec. Bautista ang bagong itinalagang head ng DSWD epektibo noong Oktubre 17.

Umaasa naman ang mga opisyal at kawani ng DSWD na ang tradisyon ng mabilis, mapagmalasakit at compassionate service na ipinagkakaloob ng Departmento sa marginalized at vulnerable sectors ay magpapatuloy at aangat sa mataas na lebel. | ulat ni Rey Ferrer